Ayon sa Lupon ng mga Dentista sa Amerika ang "pagpapaputi ng ngipin" o mas popular na kilala sa tawag na "Bleaching" or "Whitening" ay isang ligtas na proseso na maaaring gawin sa iba't-ibang klaseng pamamaraan. Ang isa ay sa pamamagitan ng propesyonal na serbisyong ibinibigay ng mga dentista. Ang mga sebisyong ito ay gumagamit ng mga produkto na may nilalamang "peroxide" na makakatulong na alisin ang mabababaw (extrinsic) at kahit mga malalalim (intrinsic) na mga "stain" sa ngipin. Sa paraang ito, tunay malaki kaagad sa maiksing panahon ang maoobserbahang pagbabago sa pagputi ng ngipin. Minsan ay wala pang isang oras ang prosesong ginagawa ng mga dentista.
Dalawa ring klase ang popular na pamamaraan na ginagamit ng mga dentista. Ang una ay pagkatapos ipahid sa ngipin ang pampaputing gamot o solusyon ay gumagamit sila ng equipment na may ilaw na madalas ay kulay "blue" para gawing mas mabilis ang pagpapaputi. Itong pamamaraang ito ay nangangailangan lamang ng mas maiksing oras o panahon para mapaputi ang mga ngipin.
By Cory Doctorow - https://www.flickr.com/photos/doctorow/2537364533/, CC BY-SA 2.0, https://commons.wikimedia.org/w/index.php?curid=62054738 |
Ang isa namang paraan ay ang paggamit ng tinatawag na "bleaching tray". Ito ay parang manipis na "mouthpiece" na nilalagyan ng gamot na pampaputi at isinusuot ng pasyente na tumatagal mula kalahating oras hanggang isa't kalahating oras depende sa concentration o tapang ng gamot na inilagay. Sa paraang ito, sinusukatan muna ang ngipin ng pasyente para magawa ang mga bleaching tray bago maumpisahan ang proseso ng pagpapaputi.
Meron din mga sitwasyon na hindi magiging epektibo ang mga prosesong ito sa pagpapaputi, ngunit maipapaliwanag naman ng dentista kung ano ang nararapat na pamamaraan sa mga kakaibang kasong ito. Isang halimbawa nito ay ang sobrang pag-itim ng ngipin dahil sa lumang root canal treatment, iba ang pamamaraan dito. Sa halip na sa labas, ay sa loob ng ngipin inilalagay ang gamot para pumuti ang ngipin. Ang ibang sitwasyon naman ay ang maling pag-aakala na kailangan magpaputi pero ang tunay na pangngailang lunas pala ay pag-"pasta" sa mga bulok na nangingitim na bahagi ng ngipin. O kaya naman ay simpleng paglilinis o kilala sa tawag na oral prophylaxis lamang pala, dahil dumi lang pala ang nakikitang mga maiitim na parte. Napakahalaga talaga angnag pagkonsulta sa dentista upang malaman ang tunay na condition o sitwasyon at tamang lunas.
Meron din namang mga nabibili sa mga botika na maaring makapagpaputi ng ngipin katulad ng mga toothpastes at mga strips. Ang mga paraang ito naman ay epektibo rin ngunit mas matagal bago makita ang pagbabago sa kaputian kung ikukumpara sa ginagawa ng mga propesyonal o mga dentista.
Pagisipan at pag-aralang mabuti bago magdesisyong magpaputi ng ngipin. Ang pinakamabuting paraan ay bumisita sa dentista at humingi muna ng payo at paliwanag para mas maging malinaw ang lahat bago gumawa ng pinal na desisyon.
CN Atienza, DDM