(10) Sampung Paraan sa Pag-aalaga ng Ngipin at Gilagid

Upang mapanatiling malusog at malinis ang ating mga ngipin at gilagid, sundin ang sampung paraan na ito:

1. Magsipilyo ng ngipin dalawang beses man lamang sa isang araw gamit ang isang sipilyong mayroong "soft bristles". Sipilyuhin ang ibabaw, harap, likod at gilid ng ngipin na hindi bababa sa 2 minuto. 

2. Gumamit ng fluoride toothpaste. Nakakatulong ang fluoride na patibayin ang "enamel" ng ngipin upang maiwasan ang pagkabulok nito. 

3. Palitan ang iyong toothbrush tuwing 3 hanggang 4 na buwan (o pwede ring mas maaga o mas madalas) kung kinakailangan. Ang isang luma at sira-sirang toothbrush ay hindi na rin ganon ka-epektibo sa paglilinis ng iyong mga ngipin. Kung gumagamit ka ng electric toothbrush, ganon din kadalas ang pagpalit ng "head" (ulo) nito.

4. Mag dental Floss ng hindi bababa sa isang beses bawat araw. Pinakamabuting mag-floss pagkatapos magsipilyo. Ang flossing ay nag-aalis ng dumi o "plaque" (na punong puno ng bacteria) na naiiwan  pa rin madalas pagkatapos magsipilyo, lalo na sa mga pagitan ng magkatabing ngipin at pati na rin sa pagitan ng ngipin at mga gilagid. 

5. Kumain ng malulusog at masustanyang pagkain. Mas maliit ang posibilidad na magkaroon ka ng sakit sa gilagid kung kakain ka ng masusustansyang pagkain. Iwasan din ang mga sobrang matatamis na pagkain at inumin.  Ito nakakapagtaas ng tyansa ng pagkasira ng iyong ngipin. Kung kumain ka o umiinom ng matatamis, siguruhing magsipilyo kaagad pagkatapos. 

6. Huwag manigarilyo. Ang paninigarilyo ay napag-aralan na nakakapagdulot ng mas maraming problema sa kalusugan ng ngipin at gilagid.

7. Panatilihing malinis ang mga pustiso, retainer, mouthguard at iba pang "dental appliances" na kasalukuyang ginagamit sa loob ng iyong bibig. Isang paraan nito ay ang regular na pagsipilyo sa mga ito habang nakatanggal at hindi sinisipilyo habang nasa loob ng bibig. Maaaring kailanganin mo ring ibabad ang mga ito sa isang "cleanser" o mga solusyong sadyang panglinis sa mga ito. 

8. Bumisita at magpa-checkup ng regular sa iyong dentista. Inirerekomenda ng maraming dentista na bumisita sa dental clinic para makapagpalinis ng ngipin tuwing 6 na buwan at upang ma-checkup na rin ang kondisyon ng bawat ngipin, gilagid at iba pang parte ng bibig. Para kung sakaling may problema ay mas maaagapan kaagad ito. 

9. Maaaring kailanganin naman ang mas madalas na pagpapatingin sa dentista tuwing 3 hanggang 4 na buwan kung ang iyong gilagid ay hindi malusog o mayroong "gum disease" na binabantayan at patuloy na ginagamot.

10. Kung ikaw ay may braces at nasa pangangalaga ng isang orthodontist, kinakailangang sundin ang mga naka-schedule na mga appointments hanggang matapos ang kabuuang treatment. Ito ay dahil sa naka base sa tamang oras at panahon ang mga schedule ng prosesong katulad ng adjustments at pagpapalit ng wires ng braces. Sundin ang ang mga bilin ng iyong orthodontist sa pag-aalaga at paglilinis ng mga ngiping meron "braces" o "brackets".

Post a Comment

0 Comments