Bakit Mahalaga ang Pamilya sa Pangangalagang Dental ng mga Matatanda

Habang tumatanda ang populasyon ng Pilipinas, dumarami rin ang mga matatandang nangangailangan ng maayos at ligtas na dental care. Ngunit madalas, ang pagpapagamot sa ngipin ng mga nakatatanda ay hindi ganap na napag-uusapan kasama ang kanilang mga pamilya. Sa katunayan, maraming matatanda ang may sakit, may iniinom na gamot, o kaya ay mayroong kakulangan na sa abilidad ng pagdedesisyon, kaya napakahalaga ang aktibong pagsali ng mga kamag-anak o caregiver sa kanilang pag-aalagang pang-dental (Torke et al., 2014).

Ang Napakahalagang Papel ng Pamilya sa Paggawa ng Desisyon o Pagpapasya

Sa mga matatandang may mahinang pandinig, paningin, o memorya, maaaring mahirapan silang maintindihan ang mga paliwanag ng dentista tungkol sa diagnosis o mga opsyon sa gamutan. Dito pumapasok ang papel ng pamilya: sila ang tumutulong sa pagpapaliwanag, pagpapasya, at pag-alala sa mga detalye ng gamutan para sa matanda nilang pasyente (Mukherjee et al., 2017).

Ang pagkakaroon ng pamilya sa konsultasyon ay nakatutulong upang maibigay ang tamang medical history at listahan ng mga gamot, na mahalaga upang maiwasan ang komplikasyon. Halimbawa, kung ang pasyente ay umiinom ng anticoagulant o gamot sa buto gaya ng bisphosphonates, maaaring tumaas ang panganib ng pagdurugo o mabagal na paggaling matapos ang bunot o operasyon (Rodríguez-Molinero et al., 2024).

Mga Posibleng Panganib ng Komplikadong Dental Procedures sa mga Matatandang Pasyente

Ang mga dental procedure gaya ng bunot (extraction), root canal treatment, paggawa ng pustiso o implants, at pagpapalit ng mga luma at sirang fixed bridges o crowns ay may mga "risk" o posibleng panganib na dapat ay hindi isawalang-bahala para sa mga matatandang pasyente lalo na kung may sakit sa puso o mayroong diabetes. Halimbawa, maaaring tumaas ang presyon o magkaroon ng stress sa puso habang ginagamot ang pasyente (Lu et al., 2014).


Sa ganitong mga pagkakataon, dapat ay maipaliwanag ng dentista sa pamilya ang mga posibleng panganib, mga alternatibong lunas, at ang tamang pag-aalaga pagkatapos ng treatment o post-operative care.  Ang mga miyembro din ng pamilya ang madalas na tumutulong sa pag-aalaga sa mga matatandang pasyente pagkatapos ng dental procedure— katulad ng pagbibigay ng gamot sa tamang oras, tamang pagkain, at pag-obserba ng sugat o kung meron mang pagdurugo.

Dental Care at Medical Care: Magkaugnay, Hindi Magkahiwalay

Sa ating lipunan, kadalasan ay tinitingnan ang dental care bilang hiwalay sa “medical” care. Dahil dito, ang pagpapabunot o pagpapagawa ng pustiso ay hindi itinuturing na kasinghalaga ng mga operasyong medikal na ginagawa sa ospital. Ngunit ayon sa mga pag-aaral, ang kalusugan ng bibig ay direktang konektado sa kalusugan ng buong katawan. Ang mahinang kalagayan ng ngipin at gilagid ay may kaugnayan sa mas mataas na panganib ng sakit sa puso, pulmonya, at maagang pagpanaw (Kotronia et al., 2021).

Ayon sa mga eksperto, kailangang baguhin ang pananaw na ito. Dapat tratuhin ng mga pamilya at healthcare providers ang mga komplikado at malalaking dental procedures bilang bahagi ng kabuuang medikal na pangangalaga ng matatanda (Nelson et al., 2023). Kung paano nangangailangan ng  pahintulot at pagpaplano ng pamilya bago gawin ang isang operasyong medikal sa ospital, ganoon din dapat ang proseso sa dental clinic.

Pamilyang Katuwang sa Kalusugan

Ang mga pamilya ay may mahalagang tungkulin hindi lamang sa pagtulong sa pagdedesisyon katuwang ng matandang pasyente, kundi pati sa pang-araw-araw na pangangalaga nila. Sila ang tumutulong sa paglilinis ng pustiso, pag-aayos ng schedule ng check-up, at pagsiguro na nasusunod ang mga bilin ng dentista. Kapag aktibong kasali ang pamilya, mas mataas ang tsansa na maging matagumpay ang paggamot at mapanatili ang magandang kalidad ng buhay ng matatanda (Nelson et al., 2023).

Konklusyon

Ang dental care ng matatanda ay hindi usapin ng ngipin lamang — ito ay bahagi ng kanilang kabuuang kalusugan. Tulad ng mga medikal na operasyon, ang bawat bunot, implant, o pustiso ay may mga kaukulang "risks" o panganib na dapat pagplanuhan ng mabuti. Sa pakikipagtulungan ng mga dentista, pamilya, at mga doktor, maarung makamit ang isang ligtas, etikal, at epektibong dental care para sa ating mga nakatatanda.

References:

Kotronia, E., Brown, H., Papacosta, A. O., Lennon, L. T., Weyant, R. J., Whincup, P. H., & Ramsay, S. E. (2021). Oral health and all-cause, cardiovascular disease, and respiratory mortality in older people in the UK and USA. Scientific Reports, 11(1), 16452. https://doi.org/10.1038/s41598-021-95865-z

Lu, P., Gong, Y., Chen, Y., Cai, W., & Sheng, J. (2014). Safety analysis of tooth extraction in elderly patients with cardiovascular diseases. Medical Science Monitor, 20, 782–788. https://doi.org/10.12659/MSM.890131

Mukherjee, A., Livinski, A. A., Millum, J., Chamut, S., Boroumand, S., Iafolla, T. J., Adesanya, M. R., & Dye, B. A. (2017). Informed consent in dental care and research for the older adult population: A systematic review. Journal of the American Dental Association, 148(4), 211–220. https://doi.org/10.1016/j.adaj.2016.11.019

Nelson, S., Kim, E. G. R., & Kaelber, D. C. (2023). Integrating oral health into primary care: Perspectives for older adults. Journal of Dental Research, 102(8), 849–853. https://doi.org/10.1177/00220345231165011

Rodríguez-Molinero, J., García-Bravo, C., Ruiz-Roca, J. A., García-Guerrero, I., & Gómez-de Diego, R. (2024). Oral surgery considerations in patients at high-risk of complications related to drug intake: A systematic review. Surgical Dentistry Journal, 1(1), 1–9. https://doi.org/10.1016/j.sdentj.2024.12.004

Torke, A. M., Sachs, G. A., Helft, P. R., Montz, K., Hui, S. L., Slaven, J., & Jimenez, D. (2014). Scope and outcomes of surrogate decision making among hospitalized older adults. JAMA Internal Medicine, 174(3), 370–377. https://doi.org/10.1001/jamainternmed.2013.14252


Post a Comment

0 Comments