BAKIT NAGDUDUGO ANG GILAGID KO?

toothbrush
Ang pangunahing rason kung bakit nagdudugo ang gilagid mo ay dahil sa ito ay namamaga. Ang pamamaga ng gilagid (gingivitis) ay dahil sa dumi na dumidikit sa pagitan ng ngipin at ng gilagid na tinatawag na "plaque".
Ang plaque ay malagkit na substance na punong-puno ng bacteria. Namumuo ito dahil sa kulang at hindi tamang pamamaraan ng paglinis o pagsisipilyo ng ngipin. Syempre kung may bacteria, magkakaroon ng reaksyon ang katawan (gilagid) natin sa pamamagitan ng "inflammation" o pamamaga.
Paano ito ginagamot? 

gingivitis
Sa pamamagitan ng pagpapalinis ng ngipin sa dentista, maaari itong mabigyan ng lunas. Kinakailangang matanggal lahat ng plaque pati na rin ang mga magagaspang na parte ng ngipin na kinakapitan nito. Kung mas magaspang mas madaling kapitan kaya nararapat na mapakinis ang surface ng ngipin. Ang "tartar" ay ang mala-sementong substance na kumakapit din sa ngipin. Iba ito sa plaque. Pero kung maraming "tartar" mas magaspang at natural ding mas kinakapitan ng plaque ang surface nito.

Kailangang malinaw sa atin, na ang pagpapalinis ng ngipin ay isang uri ng dental treatment. Hindi lang ito ginagawa upang maging magandang tingnan ang ngipin, ito ay para maiwasan at gamutin ang mga "gum diseases" na katulad ng gingivitis.

Kung matagal ka ng hindi nagpapalinis ng ngipin, maaring hindi lamang gingivitis ang maging sakit ng gilagid mo. Ang isang mas kumplikadong gum disease na nagmula sa pagpapabaya ng pagkakaroon ng gingivitis ay ang tinatawag na "Periodontitis". Kung sa gingivitis ay gilagid lamang ang namamaga, sa Periodontitis ay apektado na rin ang "buto" at "fibers" na sumusuporta sa ngipin natin.

tooth
Mahalagang dapat nating naiintindihan na ang mga ngipin natin ay nakatanim sa buto ng ating panga sa pamamagitan ng tinatawag na "periodontal fibers". Kapag ang bacteria ay napabayaang dumami ng dumami, nasisira at nalalagas ang mga fibers at butong kinakapitan ng ngipin natin. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit minsan ay gumagalaw at kumakalog ang ngipin sa loob ng bibig. Ibig sabihin nito, malaki na ang pagkawasak ng buto at fibers dahil sa pagkakaroon ng sakit na ito. Mas malakas din ang pagdudugo ng gilagid na dulot nito.

Ang paggamot ng mga sakit na ito ay ang tinatawag nating Oral Prophylaxis na dapat ay ginagawa ng kahit 2 times a year man lang. Kung may periodontitis at mas malalalim ang mga dumi sa loob ng gilagid, kinakailangan ng "Root Planing". Ang root planing ay ang paglinis ng mga ugat ng ngipin dahil sa ang mga dumi (plaque at tartar) ay namuo at umabot na sa mga sa loob ng gilagid hanggang ugat ng ngipin. Minsan tinatawag itong deep cleaning. Kinakailangan na nito ang anesthesia (nonSurgical Root Planing). Kung hindi na kayang abutin ng instrumento ang mga dumi, minsan ay nangangailangan ng buksan ang gilagid upang malinis ng mabuti ang mga ugat (Surgical Root Planing)at tinatahi ito pagkatapos.

Periodontitis
Ang paggamot ng gum disease ay hindi lamang nakukuha sa iisang treatment. Pagkatapos malinis ang ngipin at gilagid, kailangan ng maintenance sa pamamagitan ng madalas na pagbisita sa dentista. Ang dentista mo ang makakapagsabi kung gaano karaming session ang kailangan mo upang masuri nyang mabuti kung ikaw ay magaling na o hindi pa. Kapag magaling na ang sakit mo sa gilagid, patuloy pa rin ang regular Oral Prophylaxis upang maiwasan na bumalik ito. Kung hindi man mawala ang pamamaga ng gilagid kahit ito ay malinis na at halos wala ng plaque at dumi, maaring iba na ang dahilan ng pamamagang ito. Maaring mangailangan ka na ng mga gamot katulad ng antibiotic at special mouthwashes.  Maari ding suriing mabuti ng dentista dahil baka may kinalaman na sa pangkabuuang kalusugan ang dahilan nito kung kaya't ito'y hindi gumagaling.  Siguraduhing sabihin sa dentista ang lahat ng alam mo tungkol sa iyong kalusugan, katulad ng mga gamot na iyong kasalukuyang iniinom at kung meron ka mang karamdaman na iyong nalalaman.
toothpasteTandaan mo na importante ang sarili mong pagaalaga sa pamamagitan ng toothbrushing at dental flossing. Pati na rin ang paggamit ng mouthwashes at toothpastes na nakakatulong sa paglinis. Ito ang mga paraan upang maiwasan magkaroon at bumalik ang mga sakit na ito. 3-4 times a day ang brushing at flossing upang mapanatiling malinis ang ngipin at gilagid mo. At at least two times a year ang pagpapalinis ng ngipin mo sa iyong dentista.





Thanks:
wikipedia.com for the images

Post a Comment

0 Comments