Ang Tamang Paggamit ng "Dental Floss"
Isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng pangangalaga sa ngipin ay ang regular na paglinis nito. Minsan, kahit gaano kagaling ang pag-sipilyo mo ng ngipin, may mga hindi mo pa rin nararating na mga sulok at espasyo. Iyan ang dahilan kung bakit napakahalaga ring matutunan ang tamang paraan ng paggamit ng tinatawag na "dental floss".
Ang gamit ng dental floss ay isang epektibong paraan upang alisin ang mga tinatawag na "plaque" na nakadikit sa pagitan ng mga ngipin. Ang mga plaque na ito ay nagmumula sa natitirang pagkain sa bibig na binahayan na ng mga iba't-ibang uri ng bacteria na nagiging dahilan ng mga sakit sa mga ngipin at gilagid. Kaya nga, mahalagang regular na gamitin ang dental floss upang mapanatiling malusog ang mga ngipin at gilagid.
Piliin ang Tamang Floss
Mahalaga ang pagpili ng tamang uri ng dental floss na iyong gagamitin. Ang dental floss ay may iba't ibang klase, gaya ng: waxed, unwaxed, flavored, o unflavored. Mahalagang piliin ang uri na nababagay sa iyong mga kagustuhan at pangangailangan.
Para sa mga may masisikip na pagitan ng mga ngipin, ang manipis na floss ay maaaring maging mas epektibo, habang ang mga indibidwal na may mas malawak na mga puwang ay maaaring mangailangan ng mas makapal na floss. Inirerekomenda na kumunsulta sa iyong dentista upang matukoy kung alin talagang floss ang pinakamainam para sa iyo. Ngunit ang isang ordinaryong klase ay sapat na sa pang-araw araw na gamit.
Steps sa Paggamit:
Una at higit sa lahat, siguraduhin na ang iyong mga kamay ay malinis bago magsimula sa proseso ng paggamit ng dental floss. Ito ay upang maiwasan ang paghahatid pa ng mga karagdagang maruruming mikrobyo o bacteria sa loob ng iyong bibig.
Mula sa rolyo o lalagyan, pumutol ng isang pirasong dental floss na may habang mga 18 hanggang 24 pulgada. Ito ay sapat na haba upang masakop ang lahat ng ngipin at pagitan ng mga ito. (Ang rekomendasyon na ito tungkol sa haba ng floss na gagamitin ay ayon sa ilang artikulong mababasa natin sa internet, ngunit depende talaga ang haba kung saan ka komportable at sa sarili mong istilo ng paggamit)
1. Irolyo ang floss paikot sa bawat hintuturo ng magkabilang kamay, hanggang maging 2-3 pulgada na lamang ang matitira sa pagitan.
2. Gamit ang dalawang daliri sa tulong ng bawat hinlalaki, unti-unti at dahan-dahang i-pilit idaan ang dental floss sa pagitan ng bawat ngipin.
3. Kapag naipasok na, maingat na igalaw ng paikot-ikot at ikuskos sa magkabilang gilid hanggang malinis ang pagitan na ito.
3. Siguraduhin na hindi ito lumalagpas at dumidiin ng sobra-sobra sa gilid ng mga ngipin upang hindi masugatan ang gilagid.
4. Para sa mas magandang resulta, gawin ito sa bawat pagitan ng lahat ng iyong mga ngipin at siguraduhing bawat espasyo na dinaanan ng floss ay nalinis ng mabuti.
5. Mahalaga rin na matutuhan ang tamang paraan ng maingat na paghila ng dental floss palabas ng pagitan ng ngipin.
6. Mahalaga din ang paglipat lipat sa parte ng floss na ipapasok sa pagitan ng ibang ngipin upang hindi na magamit paulit ulit ang mga gamit nang parte nito. Kaya mahalaga na sapat ang haba ng putol ng floss na gagamitin. Kung hindi sapat at kinulang, ay pumutol ulit ng panibago.
Pwede rin gumamit ng "floss holders" o mga nabibiling "floss picks". Mag-ingat nga lang sa paggamit ng matulis na dulo nito baka matusok ang gilagid mo.
Maaaring sa umpisa ay makakita ka ng pagdudugo ng gilagid at mapapansin mo ang dugo sa ginamit mong floss. Huwag matakot at mag-alala dahil ang dumi at bacteria mismo ang dahilan kung bakit nagdudugo ang gilagid mo at ang floss ay makakatulong sa pagbawas sa pagdudugong ito kung gagawin ng regular. (Kung patuloy pa rin ang pagdudugo, magpakonsulta sa dentista)
Maaaring magmumog gamit ang ordinaryong mouthwash o malinis na tubig pagkatapos mag floss.
Sa pamamagitan ng tamang paggamit ng dental floss, tunay na makakatulong ito sa paglinis at pagtanggal sa mga tirang pagkaing nakasingit at maruming plaque sa pagitan ng ating mga ngipin.
Huwag ng mag atubili pa at gawin na itong regular at parte na ng pang araw araw na gawaing pangkalusugang pang-bibig katulad ng pagsisipilyo.
0 Comments