WASTONG PAGGAMIT AT PAG-AALAGA NG PUSTISO by Dr. Tristan Ramos



WASTONG PAGGAMIT AT PAG-AALAGA NG PUSTISO
by
Tristan Nathaniel C. Ramos, DDM, MPH
Assistant Professor
Chairman, Department of Clinical Dental Health Sciences
College of Dentistry
University of the Philippines Manila


Isa sa madalas na nagiging problema ng mga pasyente na nagsusuot ng pustiso ay ang  pagkakaroon ng “denture stomatitis” o singaw sa bibig, na maaaring idulot ng dumi sa bibig at sa pustiso. Kapag ang pustiso ay hindi regular na nililinis kaakibat ng paglilinis ng bibig, ito ay maaaring magdulot ng singaw at kung matagal itong hindi hinuhubad at nililinis, maaaring magkaroon ng mas malalang impeksyon dulot ng “fungus”. Ang “fungal infection” ay tulad ng alipunga sa paa na dulot ng fungus na dumadami sa mga basang parte ng katawan. Upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari, maaaring sundin ang mga sumusunod na rekomendasyon sa paggamit at pag-aalaga sa pustiso. Ang mga ito ay hango sa isang artikulo na ginawa ng American College of Prosthodontists bunga ng kanilang pagaaral at nalathala sa Journal of American Dental Association.


Ang unang rekomendasyon at masasabing pinakaimportante ay ang paglilinis ng bibig at ng pustiso araw-araw. Ang bibig at pustiso ay kinakapitan ng tinatawag na “bacterial biofilm” kung saan ang bacteria at fungi ay nabubuhay at kapag nagtatagal, ang mga ito ay dumadami hanggang sa magdulot na ng impeksyon. Kaya’t upang di ito humantong sa ganitong pangyayari, ang pustiso ay dapat hubarin at linisin kasabay rin ng paglilinis ng bibig kahit minsan lamang sa isang araw subalit mas makakabuti kung ito ay gagawin ng mas madalas tulad ng tuwing makatapos kumain at bago matulog sa gabi.


Kahit walang ngipin, ang bibig ay nililinis sa pamamagitan ng sipilyo na may malambot na “bristles” upang matanggal ang biofilm at maiwasan ang pagkasugat sa gilagid. Ang pustiso naman ay nirerekomendang linisin sa pamamagitan ng “denture cleansers” na mabibili sa supermarket at botika at sinisipilyo rin upang matanggal ang biofilm. Nararapat na ang gagamiting cleanser at sipilyo ay hindi makakagasgas sa pustiso upang mapanatili ang makinis na labas nito upang di madaling kapitan ng dumi. Kung walang denture cleansers, maaari rin gumamit ng “liquid soap” habang sinisipilyo ang pustiso upang matanggal ang biofilm at mantika mula sa pagkain.  Dapat ingatan na huwag mabitawan ang pustiso at malaglag habang nililinis upang maiwasan ang pagkasira nito. Maaaring ugaliin na linisin ang pustiso sa ibabaw ng palangganang may tubig upang hindi mabasag kung ito man ay mabitawan.

Isa pang rekomendasyon ay ang hindi pagsuot sa pustiso ng tuloy tuloy sa loob ng 24 oras, ito ay dapat hinuhubad upang makapahinga ang gilagid at maiwasan magkasingaw. Pangkaraniwan ito ay ginagawa sa gabi habang natutulog ngunit kung ito ay hindi magagawa sa ano mang kadahilanan, dapat ugaliin na hubarin ito sa pinakakonbinyenteng panahon sa loob ng isang araw. Ang pustiso ay dapat ibabad sa tubig upang hindi matuyo at madisporma ngunit kung ito ay hindi isusuot ng matagal na panahon, mas makakabuti kung ito ay ilalagay sa “humidor” o sa isang selyadong lalagyan na may basang tissue o bulak. Ito ay sa kadahilanan na maaaring sumipsip ng tubig ang pustiso at magbago ng sukat na maaaring magdulot ng masikip na pakiramdam kapag muling ginamit.

Inererekomenda rin na dapat magpakonsulta sa dentista ang mga pasyenteng may pustiso kahit isang beses sa loob ng isang taon upang matulungan maglinis ng pustiso at upang masiyasat ang bibig. Sa pamamagitan rin nito ay makikita kung tama pa ang sukat ng pustiso at kung nagagamit pa ng maayos sa pagsasalita at sa pagkain.

Ang pagkawala ng ngipin at pagkakaroon ng pustiso ay hindi nangangahulugan na hindi na kailangang magsipilyo at maglinis ng bibig, bagkus ay mas nararapat itong gawin sapagkat mas madaling kapitan ng dumi ang pustiso. Ito ay kinikailangang gawin upang mapanatili ang kalusugan ng bibig tungo sa maayos na pangkalahatang kalusugan ng pangangatawan.



Tristan Nathaniel C. Ramos, DDM, MPH
Assistant Professor
Chairman, Department of Clinical Dental Health Sciences
College of Dentistry

University of the Philippines Manila

Hango sa:
Evidence-based guidelines for the care and maintenance of complete dentures : A publication of the American College of Prosthodontists. JADA 2011;142(suppl 1):1S-20S