by: Dr. Frances Tan, Doctor of Dental Medicine
University of the Philippines Manila
College of Dentistry
Ang Oral Health
ay isang importanteng parte patungo sa isang maganda at mabuting kalagayan o
kalusugan ng katawan. Ang mga bibig, katulad ng ibang parte ng katawan, ay puno
ng normal at mabuting bakterya o ang tinatawag na normal flora. Ang mga
bakterya na ito ay maaaring mapanatiling mabuti at hindi nakakasama kapag
regular na nalilinis ang ngipin. Ngunit kapag ang bibig ay napabayaan, ang mga
bakteryang ito ay maaaring magdulot ng impeksyon sa ngipin at bibig na maaaring
maging sanhi ng pagkakaroon ng ibang sakit o pagkalala ng sakit sa katawan
tulad ng sakit sa puso at ang Diabetes.
Ang
pagpapanatiling malusog ng mga bibig ay madali lamang - kailang lang ng regular
na pagsisipilyo at pagbisita sa dentista. Ngunit ang simpleng bagay na
pagsisipilyo ay hindi madali para sa iba, gaya ng mga indibidwal na mayroong Cerebral Palsy. Ang
Cerebral Palsy ay isang kondisyon kung saan ang mga muscles ng katawan ay
naaapektuhan, dahil dito, ang kanilang koordinasyon ay apektado rin. Ang
kanilang pang-araw araw na gawain ay hindi madaling magawa, ganoon din ang
pagpapanatili ng malusog na bibig. Hindi rin nila nasasabi kapag mayroon silang
nararamdaman sa kanilang ngipin. Ang mga indibidwal na may Cerebral Palsy ay
kadalasang nangangailangan ng pangagalaga ng kanilang magulang o caregiver.
Para
sa wastong paglilinis ng ngipin ng mga indibidwal na may Cerebral Palsy,
mayroong modipikasyon na maaaring makatulong para sa mga magulang o caregivers.
Sa pagtulong ng paglinis ng ngipin para sa mga indibidwal na may Cerebral
Palsy, laging siguraduhin na malinis ang kamay bago hawakan ang bibig ng alaga.
Pumili ng lugar kung saan komportable ang alaga sa pagsipilyo, mayroong sapat
na ilaw at may pagkukunan ng tubig o maghanda ng baso ng tubig sa tabi ng
alaga. Narito ang ilang paraan para sa pagsipilyo ng mga indibidwal na may
Cerebral Palsy:
1. Para
sa mga sanggol pa lamang at di pa kayang umupo: Ipagdugtong ang tuhod ng mga
magulang o tagapangalaga at dito ipatong ang bata. Suportahan ang ulo ng
sanggol at dahan-dahan lamang sa paglinis ng bibig.
2. Para
sa mga batang kayang umupo: Maaaring umupo o tumayo sa likod ng bata. Isandal
ang kanyang ulo sa iyong katawan at dahan-dahang linisan ang kanyang bibig.
3. Para
sa mga bata na nakaupo sa wheelchair: Maaaring umupo o tumayo sa likod ng bata.
Dahan-dahang isandal ang ulo ng bata sa iyong katawan. Siguraduhin din na
naka-lock ang gulong ng wheelchair. Maaari rin namang ihiga ang bata sa hita at
suportahan ang ulo at balikat gamit ang iyong braso, o ihiga ang bata sa kama o
bean bag na malambot. Lumuhod sa likuran ng bata at dahan-dahang linisin ang
bibig. Maaari rin may pangalawang taong humawak ng kamay at paa ng bata.
Sa iba’t ibang
posisyon ng paglinis ng ngipin ng bata, siguraduhin na mas mataas ang ulo kaysa
sa katawan upang maiwasan na malunok ng bata ang toothpaste.
4. Gumamit
ng wastong dami ng toothpaste na may fluoride sa pagsipilyo sa mga bata.
Gamunggong toothpaste para sa mga bata, at kasinglaki ng butil ng mais para sa
matanda.
5. Sundin
ang tamang posisyon at galaw ng sipilyo, ito ay dapat nakalapat sa ngipin at
gilagid at paikot-ikot na galaw. Sipilyuhin ang lahat ng bahagi ng ngipin
kasama rin ang dila upang maiwasan ang mabahong hininga.
6. Iwasan
ang agarang pagsisipilyo sa bata pagkatapos kumain. Lalo na kung acidic ang
nakain dahil ito ay nagdudulot ng paghina ng mga ngipin. Ang pagsisipilyo agad
ay magiging sanhi ng pagkagasgas ng ngipin o ang tinatawag na toothbrush
abrasions.
7. Para
sa mga batang may malalim at makitid na ngalangala: Maaaring magbasa ng gasa o
bimpo at gamitin ito sa paglinis ng bibig. Maaari rin itong lagyan ng
toothpaste. Dahan-dahan lamang sa pag-pahid sa ngalangala at gilagid ng bata
para hindi sila masaktan. Unti-unti itong palitan ng toothbrush kapag sanay na
ang bata.
8. Para
sa mga batang may kakayahan linisan ang kanilang sariling ngipin: Maaari rin
gumawa ng modipikasyon sa sipilyo upang iangkop ito sa kakayahan ng bata sa
paghawak at paggamit ng sipilyo. Tulad ng pagkurba sa ulo ng sipilyo upang mas madaling
abutin ang mga ngipin. Maaari rin magkabit ng tennis ball o bicycle grip sa
sipilyo para mas madali itong hawakan o ang paglagay ng tali sa sipilyo na
nakakabit sa kamay ng bata upang hindi ito mabilis matanggal o mabitawan ng
bata habang nagsisipilyo
9. Sa
mga pagkakataong hindi posible ang pagsisipilyo, o ayaw ng bata sa toothpaste,
maaaring gumamit ng mouthwash na may fluoride. Siguraduhin lamang na hindi
lulunukin ng bata ang mouthwash.
Bukod sa ng
paglilinis ng ngipin, ang regular na pagbisita sa dentista ay makakatulong sa
pagpapanatiling malusog ng bibig ng mga inidibidwal na may Cerebral Palsy.
Makakatulong ang pagbisita na iwasan ang pagkasira ng ngipin, at maaari rin na
makita kung mayroong problema sa ngipin na posibleng magdulot ng sakit.
References:
National
Institute of Dental and Craniofacial Research. (July 2007) University of
Adelaide
National
Museum of Dentistry. Healthy Smiles for Autism. Dental Health
Services Victoria (June 2008).
© Google
Images