Paunang Lunas Para sa mga “Traumatic Injuries” ng Ngipin


Paunang Lunas Para sa mga “Traumatic Injuries”

Aileen Marie D. Ona
Clinician
College of Dentistry
University of the Philippines Manila
2003-2009 Tabaco South Central Elementary School
2009-2013 Tabaco National High School

Ang traumatic injuries ng ngipin ay maaaring matamo galing sa pagkadapa, aksidente sa sasakyan, karahasan, at aksidente sa paglalaro ng sports. Sa mga pagkakataong ito, mahalagang alam natin ang ating gagawin upang maagapan at tumaas ang pag-asang maisalba ang apektadong ngipin.

Iba’t ibang uri ng traumatic injuries ng ngipin ang maaari nating maranasan. Unahin natin ang crown fracture. Ito ay nangyayari kapag nabasag ang crown ng ngipin o ang parte na nakikita sa loob ng bibig. Sa kasong ito, mahalagang malaman kung gaano kalalim ang naapektohan. Kung ito ay umabot sa pulp, kung saan ay nandoon ang nerve at mga maliliit ng ugat sa dugo ng ngipin, magkakaroon ng pagdurugo sa crown ng ngipin. Kailangang agad na ikonsulta ito sa dentista dahil maaaring magkaroon ito ng impeksyon.


Posibleng kakailanganin ng “root canal treatment” ng ngiping ito. Kung walang makitang pagdurugo sa crown, maaaring papastahan ito ng dentista upang buuin muli ang ngipin. Kung may parte ng ngipin na naputol, kung maaari, itago ito at dalhin sa pagpakonsulta sa dentista. Kahit hindi umabot sa pulp ang fracture, mahalagang magpatingin pa din sa dentista sa lalong madaling panahon upang malaman kung mayroon pang ibang pinsala na hindi natin nakikita.



Maaari din na magkaroon ng root fracture. Ito ay nangyayare kapag naputol o nabasag ang (ugat) root ng ngipin o ang parte na nakabaon sa gilagid at buto. Maaaring maranasan sa kasong ito ang pag-uga ng ngipin, pagsakit kapag ginagamit sa pagnguya, o pagdurugo sa “sulcus”— ang parte ng gilagid kung saan lumalabas ang ngipin. May pag-asa pang maisalba ang ngiping ito kaya’t nararapat na agad na makita ito ng dentista. Depende sa pagkakabasag ng root, maaaring lagyan ito ng “splint” (idikit o ikabit ang apektadong ngipin sa mga katabing ngipin) ng iyong dentista upang huwag magalaw ang ngipin habang ito ay naghihilom. Maaari din na kakailanganin ang root canal treatment para sa ngiping ito.



Ang “concussion” o pagka-bugbog naman ay nangyayare kapag ang ngipin ay sumasakit tuwing ginagamit sa pagkagat dahil ito ay nakaranas ng trauma. Sa kasong ito, walang makikitang parte na nabasag, walang pagdurugo, at walang pag-uga. Kung makakaranas na ng pag-uga ng ngipin matapos ang trauma, ito ay tinatawag nang “subluxation” dahil may maliit na parte ng ugat ng ngipin na natanggal sa kinakapitan nyang buto at gilagid.  Para sa concussion at subluxation, kailangang pumunta sa dentista upang maobserbahan ang ngipin. Mataas ang tyansa na hindi kakailanganing ipabunot ang ngipin at ang root canal treatment para dito.

Kung minsan, matapos ang traumatic na aksidente, naiiba ang posisyon ng ngipin. Sa lateral luxation, ang ngipin ay nauusog papalapit sa katabing ngipin, papasok sa bibig, o papalapit sa labi. Hindi umuuga ang ngipin dito kundi, hindi maibalik sa dating posisyon. Sa intrusive luxation, ang ngipin ay mukhang nabaon sa loob ng gilagid. Hindi din umuuga ang ngipin sa kasong ito at hindi maibalik sa dating posisyon. Sa extrusive luxation naman, mukhang nahuhulog ang ngipin mula sa gilagid at ito ay nauuga. Para sa lahat ng mga luxation injuries, ibabalik ng dentista ang ngipin sa dati nitong kinalalagyan, lalagyan ng splint, at isasagawa ang root canal treatment.


Kapag ang ngipin ay natanggal mula sa kaniyan socket, sa madaling sabi ay tuluyan nang nabunot ang ngipin, ito ay tinatawag na avulsion. Kapag nangyari ito, agad na pulutin ang ngipin, hawakan lamang ito sa crown. Huwag hahawakan ang root. Maaaring hugasan ang ngipin sa tubig na mahinang humadaloy o sa 0.9% normal saline solution (NSS). Huwag pupunasan ang ngipin at huwag ito hayaang matuyo. Ang pinakamaigi ay ibabad ang ngipin sa Hanks Balanced Salt Solution ngunit kung wala nito, maaari ding gamitin ang gatas, NSS, laway ng pasyente, o cell culture media. Kung mas maagap na maidadala sa dentista ang pasyente upang maibalik ang ngipin sa kinalalagyan nito, mas tataas ang pag-asang maghihilom ang ngipin sa socket. Kung lalagpas ng isang oras na nasa labas ang ngipin, maaari pa ding subukan itong ibalik ngunit mataas na ang tyansa na hindi na ito maghihilom.

Ang mga pasyenteng ay makaramdam ng labis na sakit o walang sakit mula sa traumatic injuries ng ngipin. Gayunpaman, mahalagang kumonsulta lagi sa dentista upang masuri kung gaano kalala ang pinsalang natamo at magamot nang tama ang ngipin. Maigi din na sa sitwasyong ito, alam natin ang ating gagawin. Sa ganitong paraan, mababawasan ang permanenteng pinsala sa ating ngipin mula sa mga aksidente.

Sources:

"Physical Injuries of the Oral Cavity” (C.A. Ermitta, personal communication, October 12, 2017)
Rajendran, A. (2014). Shafer's Textbook of Oral Pathology. Elsevier Health Sciences, APAC.

(Abangan ang susunod na artikulo tungkol sa pamamaraan o proteksyon laban sa mga ganitong klaseng traumatic injuries)