Featured Dentistry Student Blog Article
Ano nga ba ang Gum Disease?
Ayon sa 2006 National Oral Health Survey (NOHS), 74% ng mga labindalawang taong gulang na Pilipino ay mayroong gingivitis. Ayon naman sa National Monitoring and Epidemiological Dental Survey (NMEDS) 1998, 78% ng mga Pilipino ay mayroong gum disease. Marahil karamihan sa mga Pilipino ay mayroon nito ngunit walang ideya kung ano nga ba ang gum disease at kung paano ito makakaapekto sa kanilang kalusugan at buhay.
Ano nga ba ang gum disease? Ang ating mga bibig ay punong puno ng bacteria. Ang mga ito ay dumidikit sa ating mga ngipin sa anyo ng isang "film" at ito ay tinatawag na plaque. Nagsisimula ito sa gingivitis, o pamamaga ng gilagid dulot ng mga naipong bacteria sa loob ng bibig. Kapag hindi ito natanggal sa pamamagitan ng pagsesepilyo, maaari itong mamuo at maging calculus o tartar at maaari itong magdulot ng periodontitis. Ang gum disease o periodontitis ay ang impeksyon ng mga tissue na pumapaligid sa ating mga ngipin. Kapag lumala, maaari itong magdulot ng pagdurugo at pamamaga ng mga gilagid na sumasakit habang kumakain. Maaari rin itong maging sanhi ng pagkabunot ng ngipin.
Ano ang sanhi ng gum disease? Kapag ang plaque o ang film ng bacteria na nakadikit sa ibabaw ng ngipin ay hindi natanggal sa pamamagitan ng pagsesepilyo, maaari itong mamuo, tumigas at maging tartar. Dahil rito, magiging mas mahirap linisin ang ngipin at mga tissue na nakapaligid dito na maaaring maging sanhi ng gum disease o periodontitis. Bukod rito, maaari rin itong maging epekto ng paninigarilyo, pati na rin ng diabetes.
Photo by Caroline LM on Unsplash
Ano nga ba ang mga senyales ng pagkakaroon ng gum disease? Ang taong may gum disease ay mayroong namumula at namamagang gilagid na maaaring sumasakit habang ngumunguya o kumakain. Mapapansin din ang pagiging sensitibo ng ngipin tuwing kumakain ng mga malalamig o matatamis na pagkain. Kapuna-puna rin ang tila paghaba at pag-uga ng mga ngipin. Kapag napapansin mo ang mga senyales na ito, makabubuting bumisita sa dentista upang mabigyan ng mga kinakailangang treatment.
Kathleen Joy Lorraine D. Rosales
Dentistry Student, UP College of Dentistry
0 Comments