(OSA) Obstructive Sleep Apnea at Paghinga na May Hilik: Isang Panganib na Hindi Dapat Balewalain

(OSA) Obstructive Sleep Apnea at Paghinga na May Hilik: Isang Panganib na Hindi Dapat Balewalain

Fig. 1 Pasyenteng humihilik
Ang hilik ay kadalasang itinuturing na normal o nakakatawang bahagi ng pagtulog, ngunit para sa ilan, ito ay senyales ng mas malubhang kondisyon na tinatawag na Obstructive Sleep Apnea (OSA). Ang OSA ay isang sleep disorder kung saan paulit-ulit na humihinto ang paghinga ng isang tao habang natutulog dahil sa panandaliang pagbara sa daanan ng hangin sa lalamunan (Peppard et al., 2013).

Kapag may OSA ang isang tao, bumababa ang oxygen sa katawan habang natutulog, at madalas itong nagdudulot ng biglaang paggising, malakas na hilik, at kakulangan sa maayos na tulog. Kadalasang hindi alam ng pasyente na nangyayari ito sa kanila. Ang karaniwang sintomas ay pagiging antukin sa araw, hirap mag-concentrate, at pagkapagod, kahit buong gabi ang tulog (Punjabi, 2008).

Fig. 2 Mahirap na paghinga dahil sa OSA

Hindi dapat balewalain ang OSA dahil ito’y kaugnay ng mga seryosong kondisyon gaya ng altapresyon, sakit sa puso, stroke, at type 2 diabetes (Marin et al., 2005). Sa katunayan, ayon sa mga eksperto, ang hindi agad pagamot sa OSA ay maaaring magpababa sa kalidad ng buhay at magdulot ng aksidente, lalo na sa mga taong inaantok habang nagmamaneho (Gottlieb & Punjabi, 2020).

Ang mabuting balita: maagapan ito sa pamamagitan ng tamang konsultasyon sa isang sleep specialist o maari ring mag-umpisa ang konsultasyon sa iyong dentista

Fig 3. Maaaring makatulong ang iyong dentista upang malaman kung meron kang mga posibleng palatandaan ng OSA
Mahalagang Papel ng mga Dentista

May mahalagang papel ang mga dentista sa pagtukoy ng mga palatandaan ng obstructive sleep apnea (OSA), tulad ng madalas na paghilik, pagkapagod sa umaga, at abnormal na paggagalaw ng panga o ngipin na maaaring makita sa oral examination. Maaari din tingnan ng iyong dentista ang mga palatandaan tulad halimbawa ng hugis ng ngala-ngala, lalamunan at pati na rin ang laki ng dila na pwedeng may kinalaman sa pagkakaroon ng OSA. Kapag may pinaghihinalaang kaso ng OSA, responsibilidad ng dentista na magbigay ng tamang referral sa mga sleep medicine subspecialists, na kadalasang mga otolaryngologist (ENT), ngunit maaari ring mula sa larangan ng pulmonology, neurology, internal medicine, o psychiatry na may karagdagang pagsasanay sa sleep medicine (Kushida et al., 2017). 

Mahalaga ang matibay na kolaborasyon sa pagitan ng dentista na may kasanayan sa dental sleep medicine at ng sleep physician upang matiyak ang tamang diagnosis, epektibong plano ng paggamot, at tuloy-tuloy na monitoring ng pasyente. Ang ganitong interdisiplinaryong ugnayan ay nagpapabuti sa kalidad ng buhay ng pasyente at nagbabawas ng panganib na dulot ng hindi naagapan na sleep apnea (American Academy of Dental Sleep Medicine [AADSM], 2021).

Maaaring sumailalim sa sleep study (polysomnography) upang masuri ang kondisyon at malaman ang pinakaangkop na lunas—mula sa:

  • lifestyle changes
  • paggamit ng CPAP (Continuous Positive Airway Pressure) machine na maaring mai-rekomenda ng sleep specialist (fig. 4)
  • hanggang sa paggamit ng mga dental device (MAD: Mandibular Advancement Device) sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa isang dentistang may alam at kasanayan sa "dental sleep medicine" (fig. 5)
  • o minsan kung merong kinakailangan operasyong medikal (surgery).

Fig. 4 Isang pasyenteng mahimbing ang tulog dahil sa suot nyang CPAP Machine

Huwag isantabi ang malakas na hilik. Maaaring ito’y babala ng panganib. Kumonsulta sa isang sleep doctor, o kahit sa iyo munang dentista, at umpisahang alagaan ang iyong kalusugan habang ika'y natutulog.

Fig. 5 Mahimbing pa rin ang tulog ng pasyente dahil sa suot nyang MAD (Mandibular Advancement Device) dahil maaaring hindi nya kaya o gustong magsuot o gumamit ng CPAP Machine

References: (APA 7th Edition):

American Academy of Dental Sleep Medicine. (2021). Clinical practice guideline for the treatment of obstructive sleep apnea and snoring with oral appliance therapy. https://aadsm.org

Kushida, C. A., Morgenthaler, T. I., Littner, M. R., et al. (2017). Practice parameters for the indications for polysomnography and related procedures: An update for 2017. Sleep, 40(6), zsx061. https://doi.org/10.1093/sleep/zsx061

Marin, J. M., Carrizo, S. J., Vicente, E., & Agusti, A. G. N. (2005). Long-term cardiovascular outcomes in men with obstructive sleep apnea–hypopnea with or without treatment with continuous positive airway pressure: An observational study. The Lancet, 365(9464), 1046–1053. https://doi.org/10.1016/S0140-6736(05)71141-7

Peppard, P. E., Young, T., Barnet, J. H., Palta, M., Hagen, E. W., & Hla, K. M. (2013). Increased prevalence of sleep-disordered breathing in adults. American Journal of Epidemiology, 177(9), 1006–1014. https://doi.org/10.1093/aje/kws342

Punjabi, N. M. (2008). The epidemiology of adult obstructive sleep apnea. Proceedings of the American Thoracic Society, 5(2), 136–143. https://doi.org/10.1513/pats.200709-155MG

Gottlieb, D. J., & Punjabi, N. M. (2020). Diagnosis and management of obstructive sleep apnea: A review. JAMA, 323(14), 1389–1400. https://doi.org/10.1001/jama.2020.3514


Post a Comment

0 Comments