ANO ANG DENTAL VENEERS?

English Summary: 
Dental Veneers: Procedure and benefits.  
Dental veneers are porcelain, ceramic or resin custom made shells designed to cover the front surface of the teeth. These are used (to some extent) to fix teeth alignment; restore teeth that are worn down, chipped or broken; and may correct the discoloration of teeth in a short period of time. It can also last for a good number of years with proper care. The indications for these types of treatments depend on the condition and also the type of veneers that will be used. To know more about veneers, consulting a dentist is certainly highly recommended.



Paano nga ba magkakaroon ng kaaya-ayang ngiti kung ang iyong mga ngipin ay naninilaw , hindi pantay o kaya ay may pingas at bungi? Sa ganitong sitwasyon, ikaw ay maaring nangangailangan ng “dental veneers”. Ito ay isang manipis na molde na katulad ng itsura ng tunay na ngipin at nagsisilbing solusyon upang mapaganda ang hugis, kulay at pagkapantay-pantay ng mga ngipin.

Ang disenyo ng mga moldeng ito ay depende sa sukat at mga materyales na naaayon sa hugis ng mga ngipin.

Ito ay isa nang popular o kilala ng dental treatment dahil sa madali nang pamamaraan ng paglalagay at ang magandang resultang naidudulot nito. Maari itong tumagal ng maraming taon kung ito ay aalagaan ng husto. 

Ang pagpapalagay ng “dental veneers” ay nagkapagbibigay benepisyo sa kabuuang kaanyuaan ng isang tao at pati na rin sa kalidad ng kanyang pamumuhay. Maari itong makapagbigay ng kumpiyansa sa isang tao sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang maganda at mukhang malusog na ngiti.

(Photo by Jeffrey Dorfman - Wikipedia
Makikita sa litratong ito ang Veneer (#3) kumpara sa crown o jacket (#1 and #2)


PROSESO:
Ang proseso ng paglalagay ng veneers at kung paano ang pagsasaayos ng paghubog ng mga ngipin ay depende sa kondisyon at uri ng veneer na gagamitin.

Kailangan munang suriin ng dentista ang kundisyon ng mga ngipin upang malaman kung anong pinakamabuting paraan at kung anong materyales ng veneer ang nababagay sa mga ngipin na ito.

Mayroong dalawang paraan ng paglagay ng veneers:

1. DIREKTA (Direct Veneers)
Ang paglalagay ng "direkta" sa ngipin sa pamamagitan ng pagdikit ng “light cure composite veneers”ay isang paraan na isinasagawa sa minsanan lamang na pagbisita sa iyong dentista. Depende sa dami ng veneers na gagawin, maaaring sa isang bisita lamang ay pwede ng matapos kaagad ang treatment na ito.

Dinidikitan o tinatapalan ng composite resins (puting pasta) ang mga harap na bahagi ng ngipin at inihuhugis ang mga ito ayon sa nararapat na sukat at hugis.

Ang paraang ito, depende sa sitwasyon, ay maaaring hindi na nangangailangan pang bawasan o baguhin pa ang hugis ng mga natural na ngipin.  Ngunit minsan nagiging makapal ang itsura ng ngipin kapag hindi binawasan ang mga ito bago tapalan ng Composite veneers.  Ito ay madalas na mas mababa ng kaunti sa presyo kumpara sa porcelain ngunit kadalasan din namang tumatagal ng ilang taon depende rin sa pag-aalaga. Mas mabilis nga lang ito magbago ng kulay kumpara sa porcelain veneers.
               
2. HINDI DIREKTA (Indirect Veneers): Ang paglalagay ng “porcelain veneers”ay isang paraan na nangangailangan kadalasan ng pagbago muna sa hugis ng ngipin bago ito ikabit. Ito ay nangangahulugang, gagamit muna ng "handpiece drill (barena)"  ang dentista sa pagbabawas ng kapal ng ngipin para mabigyan ng sapat na espasyo ang kapal ng mga veneers na ilalagay. 

Ang pagbawas na ito sa mga ngipin ay karaniwang nasa mga 0.3 hanggang 0.5 milimetro lamang.  Ngunit sa paraang ito, ang anumang bawas na nagawa na sa mga ngipin ay permanente na at hindi na muling maibabalik. Kaya dapat malinaw ito sa mga pasyente bago man umpisahan ang ganitong treatment. Habang buhay na bawas na ang mga ngipin kaya't darating ang panahon na kailangan palitan muli kung sakaling magkaroon ng depekto ang mga lumang veneers na ito. Hindi na pwedeng iwanang walang takip ang nabawasang parte ng mga ngipin na ito.

Pagkatapos bawasan ang mga ngipin, kinukuhanan ito ng "impression" o sukat ng dentista at ipapadala sa isang dental laboratory ang "molde".  Ito ang dahilan kung bakit tinatawag na "Indirect" o hindi direkta ang technique na ito. Dito gagawin ng mga "Dental Technologists" ang mga veneers na ito base sa instructions at disenyo ng nga dentista.

Di tulad ng unang nabanggit na paraan, ito ay mas matibay at tumatagal sa sandaling ito ay naidikit na sa mga ngipin. Ito ay maaring tumatagal ng mas maraming taon kung aalagaan ng mabuti. 

Ang ilan sa mga popular na Brand ng porcelain veneer ay ang "Lumineers", "Empress", "E-max" at marami pang iba, na mga ilan sa mga pinakabagong pamamaraan ng pagpapaganda ng ngipin. Katulad ng nabanggit, nangangailangan lamang ang mga ito ng bahagyang pagbawas ng ngipin.

Ang mga brands na ito ng veneers ay gawa sa ibang uri ng porcelain o ceramic na pangmatagalan at mas matibay kaysa sa pangkaraniwang porcelain at hindi ito masyadong makapal. Dahil sa ito ang isa sa mga pinakabagong uri ng veneers, ito ay lubhang mas mahal kaysa sa composite at ordinaryong porcelain.  Nanganagilangan ito ng mas maraming beses na pagbisita sa dentista.

Nangangailangan din ng mga gamot tulad ng “anesthesia" para pampamanhid at maiwasang maramdaman ang ngilo o sakit ng pagbawas sa hugis ng mga ngipin. 

Ang dental veneers ay may mga naidudulot na benepisyo tulad ng:
  • Pagiging maputi at mas makinang na ngipin.
  • Tinutuwid ang hindi pagkakapantay-pantay ng iyong mga ngipin.
  • Pinupunan ang mga espasyo sa pagitan ng mga ngipin.
  • Tinatakpan din nito ang mga bungi o kaya’y mga basag na bahagi ng ngipin.
  • Tinatakpan din nito ang mga mantsa, nangungutim at hindi kaaya-ayang kulay ng mga ngipin.
Ang paglalagay ng dental veneers ay isa ding mahusay na paraan upang makamit ang maganda, maputi at pantay-pantay na ngiti sa mas panandaliang panahon. Isa itong alternatibo sa mas matagal at mas mabusising paraan katulad ng braces. Ngunit hindi lahat ng sitwasyon at kundisyon ay maari nitong palitan ang mga treatment katulad ng "orthodontic braces".
Sa mas sandaling panahon na pagbisita sa dentista, maari ngang makamit agad ang mga ngiti na iyong hinahangad. Ngunit, kailangang ito ay maipaliwanag muna ng lubusan ng dentista sa isang pasyente kung ito nga ba ang nararapat na lunas sa problema ng kanyang mga ngipin. 

Bumisita at komunsulta muna sa iyong dentista tungkol sa mga veneers na ito.

Post a Comment

0 Comments