GINGIVITIS AT PERIODONTITIS

English Summary: Gingivitis and Periodontitis

Gingivitis and Periodontitis are the two common stages of gum disease. These periodontal diseases are caused by the thin, sticky, transparent film on a tooth surfaces called plaque. The difference between gingivitis and Periodontitis is that – gingivitis is the stage of gum disease which affects only the gum tissue that causes the gums to bleed easily when brushed but there is no occurrence of tooth loss while periodontis is the result of the untreated gingivitis. It is the serious stage of gum disease because it involves active loss of the alveolar bone or the tooth sockets around the teeth which will then lead to loosening and succeeding teeth loss. These gum diseases can be treated as long as you give it proper attention and care. Good oral hygiene can also prevent these from happening. Regular visits to the dentists is a very improtant preventive measure.


 Gingivitis at Periodontitis 

by Berith Magcalas, C. Atienza

Ang gingivitis at periodontitis ay karaniwang kilala bilang pangunahing “periodontal diseases” o mga pangkaraniwang sakit sa gilagid. Ang mga ito ay dapat ituring na mga seryosong impeksiyon na kung hindi maaagapan ay maaaring maging sanhi ng pagkalagas o pagkawala ng mga ngipin ng isang tao. Ang literal na kahulugan ng salitang “periodontal” ay “ang paligid ng ngipin”. Ito ay nagsisimula sa mga milyo-milyong bacteria na mula sa “plaque” (ang malagkit at walang kulay na materyal na namumuo at kumakapit sa iyong mga ngipin).  Ang plaque na ito ay ang pangunahing dahilan ng pamamaga at pagdurugo ng gilagid. Ang “tartar” (calculus) naman ay mga mineral na galing sa laway, pagkain at inumin na namumuo rin sa paligid ng ngipin. Ito ay parang mga “mala-talaba” na kumakapit sa ngipin lalo na sa mga pagitan ng mga ngipin at gilagid.  Magagaspang ang mga ito, kaya mas lalong madalas na ito ay kinakapitan ng “plaque”. Ang mga sakit sa gilagid na ito ay maituturing na hindi isang simpleng karamdaman lamang. Ito ay nagbunga dahil sa impeksiyon na nilikha ng mga bacteria at kung hindi mabibigyan ng sapat na lunas, ay makakapagdulot ito ng permanenteng pinsala sa mga himaymay sa gilagid at sa mga butong sumusuporta sa mga ngipin. Ang plaque at tartar ay parehong nararapat tanggalin. 

Read More



Ang Pagkakaiba ng Gingivitis at Periodontitis 

Ang dalawang yugto ng sakit sa gilagid ay ang gingivitis at periodontitis. Ang mga senyales ng pagkakaroon ng gingivitis ay ang pamumula, pamamaga at mabilis na pagdugo ng mga ngipin kapag sinisepilyo. Dahil halos walang masyadong pagkabahala na naidudulot sa pasyente o pananakit man na nararanasan sa pagkakaroon nito, kung kaya’t karaniwan itong napapabayaan. Ito ang isang kadahilanan kay lumalala ang sakit na ito. Ang periodontitis naman sa kabilang dako, ay bunga ng napabayaan at lumalang kondisyon ng gingivitis. Ang himaymay ng gilagid or “periodontal fibers” ang nagbibigay ng kapit at suporta sa ngipin para umangkla ito sa buto.  Winawasak ng bacteria ng plaque ang mga himaymay na ito kaya nagkakaroon na ng puwang sa pagitan ng ngipin at gilagid (periodontal pocket). Ang mga puwang na ito ay lalong napupuno ng dumi at bacteria na lalo ng patuloy na sumisira sa mga buto at himaymay (periodontal fibers) na sumusuporta sa ngipin. Ang pagkakaroon ng “periodontal pocket” na ito ay lalo ng magpapahirap sa pasyente na mapanatiling malinis ang gilid ng mga ngipin niya. Kaya lalo ng lalala ang kondisyon kung hindi mabibigyan ng nararapat na lunas. Ang impeksiyong dulot ng mga bacteriang ito ay nagiging sanhi ng paggalaw ng ngipin na mauuuwi sa pagkalagas o kung hindi man, ay mangangailangnang ipabunot na ito sa dentista.  

Mga Sanhi ng Gingivitis at Periodontitis 

Katulad ng naunang nabanggit, plaque ang pangunahing sanhi ng pagkakaroon ng sakit sa gilagid. Gayon pa man, mayroon pa ring ibang mga salik na nakakaapekto sa pagkakaroon at paglala ng gingivitis at periodontitis. Ang ilan sa mga ito ay ang sumusunod:


  • ·         Pagbabagong hormonal – ang sakit sa gilagid ay mas nagiging aktibo sa tuwing may pagbabago sa hormone dahil sa ang gilagid ay mas sensitibo sa mga panahong ito. Ang pagbabagong hormonal ay nagagnap sa panahon ng pagdadalang tao, pagdadalaga, pagkakaroon at paghinto ng buwanang dalaw.
  • ·         Mga karamdaman- ang pagkakaroon ng malubhang sakit tulad ng kanser, HIV o AIDS, at diabetes ay mga sanhi rin ng pagkakaroon ng sakit sa gilagid.
  • ·         Paggagamot- nagiging dahilan din ito ng sakit sa gilagid sapagkat nakakaapekto ito sa kalusugan ng ating bibig dahil may ibang mga gamot na nakakapagpabawas sa pagdaloy ng laway sa bibig tulad ng mga gamot na Dilantin (para sa epilepsy) at Procardia. Ang laway ay natural na proteksiyong naibibigay sa gilagid at ngipin sa pamamagitan ng natural na epektong “pang-hugas” nito.
  • ·         Mga bisyo- tulad ng paninigarilyo na nagiging sagabal sa mga himaymay ng gilagid na muling gumaling o bumuti.
  • ·         Hindi tamang paglilinis ng bibig- ang hindi pagsesepilyo at paggamit ng dental floss ay nagbubunga ng pagkakaroon ng gingivitis at periodontitis.
  • ·         Hindi pagpapalinis ng ngipin sa dentista 

Lunas sa Sakit sa Gingivitis at Periodontitis

Maraming kaparaanan ng paggamot para sa sakit sa gilagid depende kung gaano kalala, sa kung gaano kaaga ito naagapan, at kung paano mo inaalagaan ang kalusugan ng iyong bibig. Ang mga paraan ng paglalapat ng lunas ay maaaring sa pamamagitan ng operasyon katulad ng pagpapaliit ng mga puwang sa pagitan ng gilagid at ngipin, muling pagsasaayos ng nasirang buto at mga himaymay sa gilagid. Bagaman, kung ito ay naagapan maaaring hindi na sumailalim pa sa isang operasyon upang ito ay malunasan. Ang madalas na pagbisita at pagpapalinis ng ngipin sa dentista ang pangunahing lunas dito. Tuwing ikaanim na buwan man lamang, lahat tayo ay nararapat magpalinis ng ngipin sa Dentista. Maraming hindi nakakaalam na ang “Oral Prophylaxis” ay isang treatment na regular at panghabang buhay hanggat mayroon kang ngipin na kailangang pangalagaan at hindi lamang kung kelan mo gusto.  Hindi maiiwasan ang pagdami ng plaque at tartar sa mga gilid-gilid ng gilagid at ngipin kahit na gaano kadalas at kahusay magsipilyo at mag-floss ang isang tao.  Kinakailangan pa rin ng tulong mula sa isang dentista.Ang gingivitis at periodontitis ay mga sakit sa gilagid na tunay mahirap iwasan ngunit hindi dapat mabahala sapagkat ang mga ito ay maaaring lunasan at mapigilan sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalusugan ng mga ngipin, pagkain ng mga masusustansiyang pagkain at regular na pagbisita sa iyong dentista.  

References 
1.        www.webmd.com
2.        www.perio.org
3.        www.healthopedia.com

Post a Comment

0 Comments